Nakasanayan ko nang tumambay sa kwarto ng bunso kong kapatid na babae tuwing
gabi. Bago ako tuluyang magpahinga, makikipag-kulitan muna ako sa anak niya - kay Nicole. Sa edad niyang 2, nasa height siya
ng katigasan ng ulo at kalikutan. Andoong mag-wrestling kami sa kama at mag-tumbling (na kinaiinis ng kapatid ko dahil nagugulo
ang kobre kama nila), magkilitian, magbatuhan ng unan. Nakaka-alis kasi ng stress sa katawan. 'Yun bang tipong makita mo lang
at marinig na humahagikgik 'yung bata, nawawala na lahat ng pagod mo. Therapy nga para sa akin. Lalo na kapag pagod ako sa
trabaho o marami akong iniisip at inaalala.
Isang gabi umuwi akong matamlay, sa gate pa lang sinabihan na ko ng mga
Tita ko na para daw akong lantang-gulay. Bagsak ang balikat at kitang malungkot ang mga mata. Nginitian ko lang sila, sabay
sabing "Pagod lang" at dumiretso na ako sa bahay. Umakyat agad ako sa kwarto pagkatapos mag-mano kay Mami at Dadi. Wala rin
kasi akong ganang kumain noon. Automatic na nagtanggal ng sapatos at nagbihis ng pambahay na damit - as usual, shorts at t-shirt.
Pagkatapos, lumipat ng kabilang kwarto para humalik sa pamangkin ko.
Nakahiga na siya sa kwarto pagpasok ko. Nang
nakita niya ko sumigaw siya ng "BG ko!" sabay tayo at yakap sa akin. Napangiti na ko, tanggal na naman ang pagod ko. Sabi
ko sa sarili ko, iba talaga ang kunswelo pag may bata sa bahay. "Hi baby Cole, 'musta ka na? Anong ginawa niyo ni Mami Yapot
maghapon?" Sumagot naman siya, nakatitig sa akin "Play lang, eto bago toys ko oh!" habang pinapakita sa akin ang building
blocks niya. Ngumiti lang ako sa kanya tapos humalik.
"Tita BG, usap tayo" sabi niya sa akin habang nakatingin sa
mata ko. Siyempre, nagulat ako! Sa murang edad na 'yun nakakagulat ang sinabi niya.
Tapos ganito pa ang nangyari,
iniharap niya ang mukha niya sa akin habang nakatagilid kami sa kama, hinawakan ang mukha ko sabay sabi sa akin na "Usap tayo.
Nasan si Tita Aileen?"
Susme! Bata ba itong kausap ko o psychic? All of a sudden naitanong niya sa akin ang isang
taong di pa niya nakikita? Eherm.. siyempre kailangan kong sagutin. Isa 'yun sa panuntunan ko sa buhay eh, never leave a child's
question unanswered.
"Nasa hospital siya ngayon eh, may duty. Nurse kasi siya."
Sabi niya, "Nurse? Suot white
tapos tusok medicine?"
Nangiti na ako, "Yes baby, pero hindi na sila naka-white ngayon eh. Scrub suit na suot nila.
Mas comfortable kasi pag ganun."
"Anu gawa niya? Alaga sick baby sa hospital?"
"Nag-aalaga siya ng sick pero
hindi babies. Nasa oncology department kasi siya, sa cancer patients."
"Otei! Peram phone, tawag ako Tita Aileen sabihin
ko sad ka."
Ay sus! At mago-overseas call pa. Pinahiram ko na lang sa kanya ang cellphone at nag-pretend siya na tinatawagan
at kinakausap ang Tita Aileen niya habang tahimik ko siyang pinapanuod, pinapakinggan ang bawat salita.
Ah, ang mga
bata talaga. Nararamdaman nila ang mga emosyon ng mga nakatatanda sa kanila. Ang galing di ba? Kasi ang karaniwang iniisip
nating may mga edad na, tayo ang nag-aalaga sa kanila. Tayo ang nagpo-provide ng mga kailangan nila, tayo ang pumuprotekta
sa kanila, tayo ang magtuturo at gagabay sa kanila sa pagtahak sa buhay. Pero ang totoo niyan, tayo ang mas maraming matutunan
mula sa kanila.
Kayo, naringgan niyo na ba ang isang bata na magsabi sa inyo na "Usap Tayo?"
|