Inside ACO's Poetic Mind
"Sir"
Home
About ACO
My Heart & Soul
Memorabilia
Mga Tula in Filipino
Mga Tula in English
Mga Tula in Iloko
Mula sa Baul
Mga Bagong Likha
Artworks
Links

Ang haba ng pila sa Jollibee, gutom na ko. Pero sige, wait pa rin ako kasi ganun naman talaga ang sistema di ba? Patingin-tingin ako sa relo na nasa kanang braso ko. Naalala ko tuloy ang sabi ng kaibigan ko, bakit daw ba nasa kanan ang relo ko at wala sa kaliwa? Napakamot na lang ako ng ulo. Hindi ko naman kasi napag-isipan ang sagot sa tanong na 'yon. Sa mula't mula pa, sa kanang braso na talaga ko naglalagay ng relo.
 
Ayan, pangatlo na ko sa pila. Konting tiis na lang at makakain ko na rin ang Palabok Fiesta na paborito ko. Hmmm.. yum!
 
"Good morning Sir! Welcome to Jollibee."
 
Todo ngiti ang crew sa akin. Ako naman, ngumiti rin pabalik.
 
"Can I have your order, Sir?"
 
Tumaas ang kilay ko.
 
"Uhhmmm, one palabok fiesta and a medium Coke light please."
 
Pinanood ko ang crew habang pina-punch ang order ko. Ano nga ba ang suot ko ngayong araw na ito? Tight fit shirt na maroon, jeans at sandals. Siyempre pa, with matching shades ala-Matrix Reloaded at beads sa leeg, braso at ankles. Hmmm.. the usual, sabi ko sa sarili ko.
 
"Enjoy your meal Sir."
 
Ngumiti ako sabay sabing "Thank you" at lumayo sa counter.
 
Hindi na bago sa akin na tawagin akong "Sir." Mula pa pagkabata ko, nakasanayan ko nang tinatawag akong "Boy."
 
"Boy, dito ka sa likod ng tricyle sumakay."
"Boy, heto na 'yung sukang pinabibili ng nanay mo."
"Boy, heto ang sukli mo."
"Boy, andiyan ba ang nanay mo?"
 
Kung ibang bata siguro 'yun, umiyak na. Sino nga ba naman ang hindi iiyak kapag sinabihan kang "Boy" samantalang "Girl" ka? Ewan ko. Ako nga lang yata.
 
Hindi ko na ako nag-attempt na i-correct sila. Kadalasan, ang mga kasama ko ang nagre-react pag napapagkamalan ako noong "Boy." Maging ngayon, 29 anyos na ako, mga kaibigan ko pa rin ang nagko-correct sa kanila sa tuwing tatawagin nila akong "Sir."
 
Hindi sa nage-enjoy akong napagkakamalang "Boy o Sir." In fairness, maganda ako. Hindi nga lang talaga ako pala-ayos. Hindi ako mahilig maglagay ng kolorete sa mukha. Para sa akin kasi, mas maganda kung mas simple. May mga oras na tinitingnan ko ang laman ng cabinet ko - shorts, jogging pants, cargo pants, slacks, plain colored shirt, sleeveless blouse, overcoat, pencil cut na skirt. I can be daring if I wanted to. Pero once in a blue moon lang 'yun, pag feel ko lang. Kadalasan, ang suot ko t-shirt at shorts. 'Yun kasi ang kumportableng damit para sa akin.
 
Hindi rin sa wala akong pakialam sa iisipin ng ibang tao. Hindi naman bato ang puso ko, minsan tinatablan rin ako. Parang nung nakaraang trimester, napagkamalan akong asawa ng kapatid kong babae. Inihatid ko kasi siya sa klase niya. Hindi ko alam kung maiinis ako o matutuwa nung sinabi niya sa akin na napagkamalan daw ng kaklase niyang ako ang asawa niya. Pero ngumiti na lang ako sabay sabi "Gwapo daw ba ako?"
Tinatawanan ko na lang ang mga ganung komentaryo. Hindi ko naman sila masisisi kung 'yun talaga ang tingin nila sa akin. Athletic kasi ako, boyish. At ni minsan, hindi ko tinangkang baguhin ang panlabas kong kaanyuan para lang sa ibang tao. Kilala ko kasi kung sino ako. At 'yun ang pinakamahalaga sa lahat. Ang kilalanin ang iyong sarili at alamin kung ano ang gusto mong marating sa buhay. 'Yan ang natutunan ko sa tatay ko. Kahit na asar ako sa kanya dahil sa sobrang daldal niya, natutuwa pa rin ako at naging ama ko siya. Dahil tanggap niya kung sino ako. At ang lagi niyang sinasabi "Kung saan ka masaya anak, doon ka."
 
Kaya heto ako, sa tuwing tinatawag nila akong "Sir" ngumingiti na lang ako. Mas kilala ko ang sarili ko.
 
Sabi nga ni E.J. Canham, "There is no freedom like seeing myself as I am and not losing heart."

 

Abigail Cruz Oliva