Make your own free website on Tripod.com
Inside ACO's Poetic Mind
Usap Tayo
Home
About ACO
My Heart & Soul
Memorabilia
Mga Tula in Filipino
Mga Tula in English
Mga Tula in Iloko
Mula sa Baul
Mga Bagong Likha
Artworks
Links

Nakasanayan ko nang tumambay sa kwarto ng bunso kong kapatid na babae tuwing gabi. Bago ako tuluyang magpahinga, makikipag-kulitan muna ako sa anak niya - kay Nicole. Sa edad niyang 2, nasa height siya ng katigasan ng ulo at kalikutan. Andoong mag-wrestling kami sa kama at mag-tumbling (na kinaiinis ng kapatid ko dahil nagugulo ang kobre kama nila), magkilitian, magbatuhan ng unan. Nakaka-alis kasi ng stress sa katawan. 'Yun bang tipong makita mo lang at marinig na humahagikgik 'yung bata, nawawala na lahat ng pagod mo. Therapy nga para sa akin. Lalo na kapag pagod ako sa trabaho o marami akong iniisip at inaalala.

Isang gabi umuwi akong matamlay, sa gate pa lang sinabihan na ko ng mga Tita ko na para daw akong lantang-gulay. Bagsak ang balikat at kitang malungkot ang mga mata. Nginitian ko lang sila, sabay sabing "Pagod lang" at dumiretso na ako sa bahay. Umakyat agad ako sa kwarto pagkatapos mag-mano kay Mami at Dadi. Wala rin kasi akong ganang kumain noon. Automatic na nagtanggal ng sapatos at nagbihis ng pambahay na damit - as usual, shorts at t-shirt. Pagkatapos, lumipat ng kabilang kwarto para humalik sa pamangkin ko.

Nakahiga na siya sa kwarto pagpasok ko. Nang nakita niya ko sumigaw siya ng "BG ko!" sabay tayo at yakap sa akin. Napangiti na ko, tanggal na naman ang pagod ko. Sabi ko sa sarili ko, iba talaga ang kunswelo pag may bata sa bahay. "Hi baby Cole, 'musta ka na? Anong ginawa niyo ni Mami Yapot maghapon?" Sumagot naman siya, nakatitig sa akin "Play lang, eto bago toys ko oh!" habang pinapakita sa akin ang building blocks niya. Ngumiti lang ako sa kanya tapos humalik.

"Tita BG, usap tayo" sabi niya sa akin habang nakatingin sa mata ko. Siyempre, nagulat ako! Sa murang edad na 'yun nakakagulat ang sinabi niya.

Tapos ganito pa ang nangyari, iniharap niya ang mukha niya sa akin habang nakatagilid kami sa kama, hinawakan ang mukha ko sabay sabi sa akin na "Usap tayo. Nasan si Tita Aileen?"

Susme! Bata ba itong kausap ko o psychic? All of a sudden naitanong niya sa akin ang isang taong di pa niya nakikita? Eherm.. siyempre kailangan kong sagutin. Isa 'yun sa panuntunan ko sa buhay eh, never leave a child's question unanswered.

"Nasa hospital siya ngayon eh, may duty. Nurse kasi siya."

Sabi niya, "Nurse? Suot white tapos tusok medicine?"

Nangiti na ako, "Yes baby, pero hindi na sila naka-white ngayon eh. Scrub suit na suot nila. Mas comfortable kasi pag ganun."

"Anu gawa niya? Alaga sick baby sa hospital?"

"Nag-aalaga siya ng sick pero hindi babies. Nasa oncology department kasi siya, sa cancer patients."

"Otei! Peram phone, tawag ako Tita Aileen sabihin ko sad ka."

Ay sus! At mago-overseas call pa. Pinahiram ko na lang sa kanya ang cellphone at nag-pretend siya na tinatawagan at kinakausap ang Tita Aileen niya habang tahimik ko siyang pinapanuod, pinapakinggan ang bawat salita.

Ah, ang mga bata talaga. Nararamdaman nila ang mga emosyon ng mga nakatatanda sa kanila. Ang galing di ba? Kasi ang karaniwang iniisip nating may mga edad na, tayo ang nag-aalaga sa kanila. Tayo ang nagpo-provide ng mga kailangan nila, tayo ang pumuprotekta sa kanila, tayo ang magtuturo at gagabay sa kanila sa pagtahak sa buhay. Pero ang totoo niyan, tayo ang mas maraming matutunan mula sa kanila.

Kayo, naringgan niyo na ba ang isang bata na magsabi sa inyo na "Usap Tayo?"





Abigail Cruz Oliva